Critical Commentary # 3 – Indigenous Filipino Theories

Hindi mawari sa aking isipan ang katotohanang bagamat malaya na sa mapangaping kamay ng mga dayuhan ang ating inang bayan ay nananalaytay pa din sa ating kamalayan at kultura ang hindi lantarang kapinsalaan na siyang bunga ng naganap na kolonisasyon isang siglo nang nakalilipas.

arrival of legaspi.jpg

Kung tayo ay magninilaynilay hindi ba’t makatwiran nang makaalpas tayo sa bisig ng mga banyaga sa kadahilanang matagal nang walang tuwirang pakikitungong nagaganap sa pagitan nang Pilipino at ng mga maniniil, ito man ay mapa-Espanyol, Amerikano, o Hapon.

 

Sa kasamaang palad, tila’y walang mintis nitong sinasampal ang mga Pilipino ng maligasgas na katotohanang tayo’y tulad ng mga ibong nakakulong pa din sa loob ng hawla. Hanggang kailan tayo magiging bihag? Yaon din ang aking mabigat na suliradownload.jpegnin.

Gayunpaman, ang nabanggit din na suliranin ay tila isang grasyang nagbigay tanglaw sa ating ulirat. Pinahiwatig nito na mayroon tayong masidhing pangangailangang magsaliksik at tuklasin ang ating awtentik na pagkakakilanlan bago pa man ang pagdating
ng mga mananakop at nang kanilang matagumpay na pagsupil sa ating kalinangan. Bakit nga ba natin hahayaan ang mga dayuhang nagsadlak sa atin sa kawalan na gawaran tayo ng ating identidad?

Sa kabutihang palad, bumanghay at nagtatag ang mga dalubhasa tulad ni Virgilio Enriquez, Prospero Covar at Zeus Salazar ng ating sariling kuwento / “narrative” at ito ang Sikolohiyang Pilipino, Pilipinohiya at Pantayong Pananaw. Kung mayroon man itong pagkakapareho, masasabi kong ito ang layuning apuhapin ang salaysay na angkop sating mga Pilipino. Kung ating nga namang sasalain, hindi lahat ng kultura o kaisipan mula sa Kanluran o ng mga dayuhan sa pangkalahatan ay akma para sa kanilang mga nalupig na bayan. Kalimitan pa nga dito ay may tagong implikasyon ng kapootang panlahi o “racism” na kadalasang hindi nababatid dahil sa pagkakaugnay nito sa konsepto ng niyutralidad o yaong kawalan ng pagpanig.

racism.gif

Sa katunayan nga, napakanegatibo ng pagkakayari ng ating pagkakakilanlan. Maging ang ating asal o pag-uugali ay nabahiran ng dumi sa pananaw ng mga banyaga.  Hindi ba’t madalas na naiiugnay sa atin ang mga katangian tulad ng Mamaya na o yaong ugaling pagpapaliban ng mga gawain bilang pagkatawan sa ating katamaran, Ningas cogon, kung saan sa umpisa lamang nagpapakita ng gilas at makalipas lamang ang sandaling panahon, wala nang maibubuga, Bahala na o yung pagpapalagay sa Diyos o di kaya naman sa tadhana ng magiging kapalaran imbis na gumawa ng paraan upang bigyang solusyon ang mga kinahaharap na suliranin at ang Talangka mentality kung saan ang naghihilaan pababa sa takot na maungusan at malamangan ng kanyang kapwa? Sa maniwala man kayo o sa hindi, oras na dumalayo ang ang mga nasabing datos sa inyong tenga, agad itong naiiugnay sa mga Pilipino (Filipiknow, n.d.). Kung tutuusin, hindi naman ito ang ating tunay na pagkakakilanlan, gayunman ang mayorya ng mga Pilipino ay tila tinanggap at niyapos na ang negatibong pagtingin. Tulad ng pagusbong ng kapitalismo na ipinaigting ng kabiguan ni Karl Marx sa kanyang teorya patungkol sa rebolusyong pamumunuan ng bourgeoise, ang nasabing pagtanggap ay marahil dahil sa reification o yaong ideolohiya kung saan ang paghahari ng isang antas sa lipunan o lahi ay tinitignan bilang isang katotohanang hindi na posibleng mabago pa.

flash.jpgMaaaring mayroong iilang katangian na totoo para sa mga Pilipino, ngunit hindi lahat ng pagpapakahulugan o interpretasyon dito ay angkop. Tulad lamang ng katagang “Bahala na”. Madalas itong kinakikitaan na pagiging fatalistic na para bang wala nang dahilan pang kumilos kung lahat naman ay itinadhana na ng Panginoon. Aba’y kung sa ganitong pananaw nga naman ito titignan, malabong hindi ito maging kasuklamsuklam.

Una sa lahat, ito ay nagpapakita ng pagiging Relihiyoso o yung pagkakaroon ng Takot sa Diyos ng mga Pilipino. Maaaring sinasalamin ng pagkakaroon ng Takot sa Diyos ang pagkakasakop ng Pilipinas sa ilalim ng Espanya, isang dominanteng lahi, ng higit kumulang tatlong daang taon. Gayunman, marapat nating mabatid na bago pa man ang panahon ng kolonisasyon, ang mga ninuno natin ay tunay nang may sinasamba at asama na sa kanilang kultura at kaugalian ang “Animismo” o ang pagsamba sa kalikasan kung saan si “Bathala” ang pinakamakapangyarihang Diyos samantalang ang ibang ispriritu ay tinatawag na “diwata” at “anito” (Lacsco, 2015).

11adf2df-cd21-4299-b356-7787665713db.JPG

 

Kadalasan bago magtungo ang ating mga ninuno sa digmaan o di naman kaya‘y sa pangaraw-araw na kabuhayan tulad ng pangangaso, tila nakatanim na sa ating kultura na kahit anong maganap sa araw na iyon ay may gabay ito ni Bathala. Kaya naman kasama sa kanilang ritwal ang pag-aalay ng pagkain sa mga puno o sa kalikasan bago sila magtungo sa kanilang gawain upang mabigyan sila ng basbas ng mga anito. Gayunpaman, ang ritwal ng pagaalalay ay hindi nangangahulugan na umaasa lamang ang ating mga ninuno sa biyaya mula kay Bathala sapagkat ang kilos at gawa ay sakanila mismo nagmumula. Liban pa dito, ang nasabing ritwal ay larawan ng pagtanaw ng utang na loob o pagpapasalamat sa mga anitong may likha ng kalikasan na pangunahing pinagkukunan ng araw-araw na pangangailangan.

Pangalawa, ang katagang “Bahala na” ay sumisimbolo sa katapangan at kagitingan ng mga Pilipino. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na kulang tayo sa armas noong kapanahunan ng rebolusyon, ngunit hindi ito naging hadlang upang labanan at daigin natin ang mas malakas na puwersa. Kinakikitaan ko ito ng katangian ng “Bahala na” kung saan ipinararating nito na maski bolo lang ang aming sandata, ang nasabing kakulangan ay hindi sagabal sa pagpuksa sa ating mga maniniil. Malinaw naman sa kasaysayan na ang madalas na negatibong pananaw patungkol sa “Bahala na” ay huwad, sapagkat ang nasabing “Bahala na” ay salamin ng kagitingan na siyang nagbigay daan sa ating kalayaan at kasarinlan mula sa Espanya. Maliban pa dito ang mga katangiang na sana’y mabuti ang implikasyon tulad ng pakikisama ay kalimitang inuuganay sa kakapalan ng mukha o kawalan ng hiya at ang utang na loob ay nagiging ugat ng padronismo. Kung tutuusin, ang dalawang nabanggit ay pagpapakita ng bayanihan, ngunit dahil ang ating nagiging basehan ay ang pananaw mula sa ibang bansa, nagkakaroon ng ito ng bagong pagpapakahulugan.

Of-books-and-bolo-carousel-20140611-rappler.jpg

Sa ganitong karimarimarin na kondisyon, tunay na mahirap ang pagtatatag ng nasyonal at lehitimong pagkakalinlan, maging ang pagbuo ng nasyon. Sa naganap na kolonisasyon, naging estranghero na tayo sa ating sariling bayan sapagkat nabuo na ang unfamiliarity o yung hindi pagkakakilanlan ng mga Pilipino sa pamanang ritwal at kultura sa ating mga ninuno.  Tulad ng sinasalaysay ng Pantayong Pananaw kailangan maging tugma ang konsepto ng elite na nasyon sa Filipino nation o yung bayan. Kailangan din ng reporma sa edukasyon sapagkat ang dunong na naipapalaganap ay nakabatay sa Kanluran. Kung hindi pa yumari ng Pilipinohiya, maging ang pag-aaral natin sa ating sariling bansa ay  pamumunuan ng mga Kanluranin.

515131730.jpgHigit sa lahat, tunguhin din ng indigeniatizion, sa tulong ng ating mga narratibo na mabigyan ng kahalagaan ang aping wika sa sariling bayan, walang iba kundi ang wikang Filipino. Bagama’t kung hindi natin sisimulan ang pagbabago sa ating mga sarili at ang pahagilap ng ating tunay na pagkakakilanlan, tila tayo si Pangulong Marcos sa kanyang talumpati noong Araw ng Kasarinlan (June 12, 1966) na halos sambahin ang hudyu-hudyuan na Estados Unidos.

Nasa iyong kamay kung patuloy kang magiging bihag ng kolonisasyon. 

Paalala: Mayorya ng impormasyong ginamit ay bunga ng pagsisikap at angking talino ng aming propesor sa asignaturang POLTHE2, walang iba kundi si Dr. Antonio Contreras.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s